Kailangang managot lahat ng korap hindi lamang lima o sampu bagkus lahat ng may kinalaman.
Yan ang binigyang diin ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, hinggil sa malawakang korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa mga infrastructure project gaya ng flood control, kung saan daan-daang milyong piso umano ang nawawala sa kaban ng bayan.
Ayon kay Africa, hindi simpleng problema ang kinakaharap ng bansa ito ay ibang klase lalo na at may mga mambabatas pang sangkot sa likod ng mga ito.
Aniya ang korapsyon ay isang sistematikong problema na hindi lamang limitado sa ilang proyekto.
Kayat marapat lamang na maglabas ng mas detalyadong computation kaugnay ng mga proyektong pinondohan ng gobyerno hindi lamang sa flood control, kundi pati na rin sa iba pang sektor.
Dahil dito nanawagan si Africa ng malalim at malawakang imbestigasyon, kasabay ng pagbuwag sa mga makalumang sistema ng pamahalaan na nagiging ugat ng katiwalian.
Ayon sa kanya, kailangang magkaroon ng tunay na reporma sa sistema ng pamahalaan at palitan ang mga opisyal na sangkot o nagpapabaya.
Aniya, responsibilidad ng gobyerno ang maghatid ng maayos na serbisyo, at karapatan ng taumbayan na ito’y ipaglaban.
At ang tunay na pagbabago ay magmumula sa pagkakaisa ng mamamayan at sa pagkakaroon ng matatag na sistemang nagsusulong ng transparency at pananagutan.