Isa sa mga aral na dapat natutunan ng publiko ang kooperasyon sa mga awtoridad kung may kahina-hinalang at bagong mukha silang napapansin sa kanilang lugar.
Ito ang inihayag sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay National Security Adviser Hergomenes Esperon Jr. kasabay ng ika-dalawang taong anibersaryo ng Marawi seige. Aminado rin ang opisyal na may mga natanggap na silang report noon ngunit hindi lamang nila nalaman ng maaga kung kailan lulusob ang mga ito.
Maiiwasan aniya ang terorismo kung mapipigilan agad ang mga teroristang nagbabalak manggulo.
Dapat rin aniya na magkaroon ng tinatawag na appreciation sa intelligence information kung saan nagkulang dito ang awtoridad kaya hindi kaagad naihanda ang tropa ng pamahalaan. Dahil dito ay pinalitan agad aniya ang Brigade Commander na nakatalaga sa lugar matapos ang pangyayari.
Samantala, sinabi nito na nagpapatuloy pa ang clearing operation sa lugar dahil sa mga unexploded devices kaya hindi pa rin pinapayagan ang mga nakatira dito na makabalik.
Ngunit may mga resettlement area nang nagawa bilang bahagi ng Marawi rehabilitation kaya marami na rin ang nakauwi sa mga kalapit na lugar.
Aniya, tinatayang nasa 12 billion pesos ang nairelease na ng pamahalaan para sa pag-aayos sa syudad at mayroon pang karagdagang 30 billion pesos mula sa ibang mga bansa.
Mababatid na matapos ang mahigit dalawang buwang bakbakan sa main battle area sa Marawi ay inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines na nakamit na ng militar ang total victory sa Marawi City. with reports from Bombo Badz Agtalao