Bukas ang Kontra Daya sa panukalang amyenda sa Party-List System Act na isinusulong sa Senado, kabilang na ang bagong bersyon ng batas na inihain ni Senator Bam Aquino.

Ayon kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng grupo, mahalaga ang mga repormang ito upang maibalik ang tunay na diwa ng party-list system, ang pagbibigay ng boses sa mga sektor na matagal nang nasa laylayan.

Sinabi ni Arao na bagama’t maganda ang direksyon ng mga inisyatiba, kailangan pa ito ng mas malalim na refinement upang matiyak na ang mga grupong sasabak sa party-list elections ay totoong kinakatawan ng kanilang nominees.

--Ads--

Dagdag pa niya, bukas ang Kontra Daya sa pagbabagong ihinahain sa batas, at nakikita nila itong isang pagkakataon upang ayusin ang mga matagal nang problema sa sistema.

Binigyang-diin din niya na sa mga nagdaang eleksiyon, lumalabas na karamihan ng tumatakbo sa party-list ay hindi tunay na nagrerepresenta ng sektor, kundi bahagi ng mga political dynasty.

Ilan pa umano sa mga nominee ay may kinakaharap na kaso, dahilan upang lalo pang mabawasan ang tunay na kinakatawan ng underrepresented sectors.

Kasabay nito, nanawagan ang Kontra Daya ng mas mataas na transparency sa pagpapatala ng party-list groups at nominees.

Dapat aniya ay gawing public at accessible ang lahat ng impormasyon upang masuri ng publiko kung kwalipikado at tapat sa layunin ang mga kandidato.

Ibinunyag din ni Arao na nagsumite sila ng opisyal na reklamo laban kay Rep. Rodante Marcoleta upang ipakita na kailangan ang mas mahigpit na pagsusuri sa mga party-list na lumalabag sa prinsipyo ng sistema.

Hinimok din niya ang Kongreso na palalimin pa ang reporma hindi lamang sa party-list system kundi maging sa buong electoral system upang masiguro na ang boses ng mga sektor na matagal nang hindi naririnig ay tunay na mabibigyang-representasyon.