DAGUPAN CITY — Kinumpirma ni Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino na nasa full-scale implementation na ang mga proyekto sa loob ng Provincial Capitol Complex, kung saan kaliwa’t kanan na ang mga konstruksyon bilang bahagi ng malawakang modernization at redevelopment ng kapitolyo.

Ayon kay Lambino, magkakaiba ang timeline ng completion ng mga proyekto.

Inaasahang matatapos sa huling bahagi ng 2027 hanggang 2028 ang Phase 1 ng Capitol Tower.

--Ads--

Kasama rin sa mga tampok na pasilidad ang reflecting pool at fountain, na target sumailalim sa testing sa Pebrero, at posibleng umabot ang operasyon nito hanggang sa pagdiriwang ng Pista’y Dayat.

Ipinaliwanag din ng bise gobernador na bahagi ng proyekto ang pag-aangat ng mga kalsada sa loob ng complex at ang paglalagay ng moderno at maayos na drainage system na aabot hanggang Maramba Boulevard, bilang paghahanda sa climate resilience at maayos na daloy ng tubig-ulan.

Kasabay nito, tuloy na rin ang konstruksyon ng Convention Center, habang nakatakda namang ilunsad ng gobernador sa opisyal ang kabuuang disenyo ng master plan na kinabibilangan ng Capitol Plaza, Convention Center, hotel, at bagong gusali ng Pangasinan Polytechnic College (PPC).

Dahil sa lawak ng mga ginagawa, inaasahan ang alikabok sa kapitolyo sa kasalukuyang quarter ng taon. Gayunman, tiniyak ni Lambino na lahat ng proyekto ay sumusunod sa umiiral na batas at may kumpletong permit.

Dagdag pa niya, pinalalitan ang mga punong natatamaan ng konstruksyon bilang bahagi ng environmental mitigation.

Bukod sa Capitol Complex, binigyang-diin din ni Lambino na patuloy ang pamumuhunan ng pamahalaang panlalawigan sa healthcare at education, bilang pangunahing prayoridad upang tiyakin ang pangmatagalang kaunlaran at kapakanan ng mga Pangasinense.

Nanawagan ang pamahalaang panlalawigan ng pang-unawa at pakikipagtulungan ng publiko habang isinasagawa ang mga proyekto, na layong magbigay ng mas moderno, ligtas, at world-class na sentro ng serbisyo para sa lalawigan