BOMBO DAGUPAN — Maraming nagpa-consolidate, subalit wala namang ibinigay sa kanila na ruta.

Ito ang binigyang-diin ni National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) National President Ariel Lim sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay pa rin sa PUV Mordernization Program.

Aniya na maliban sa hindi pa dumarating ang mga modern units ay isa rin ito sa mga problema na kinakaharap ngayon ng mga drayber at operators na sumunod sa programa ng pamahalaan.

--Ads--

Saad nito na isa marahil sa naging balakid dito ay mas nauna ang consolidation kaysa sa pag-aaral sa mga ruta na ibibigay sa mga drayber na magpapa-consolidate.

Dagdag nito na ang mas mabigat pa dito ay mayroong mga nagpa-consolidate na dati ng may ruta, ngunit sa halip na ibigay ito muli sa kanila ay itinalaga ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa ibang mga drayber at operator.

Ani Lim na wala ring anumang nagiging pagtugon ang pamahalaan kaugnay sa usaping ito at sa halip ay dinadaan pa rin ito sa pag-uusap at puro pangako.

Pagdidiin pa nito na dahil nananatiling wala pang maraming nalilikha na Local Public Transport Route Plan (LPTRP) ay maaaring malaking dagok ito para sa mga nakapagpa-consolidate na jeepney drivers sa isang lugar.

Kaugnay nito ay umaasa naman si Lim na magpapatupad ang LTFRB ng hakbangin na tututok sa paglikha ng solusyon sa usaping ito para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino.