Wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang 59-anyos na lalaki sa rumaragasang tubig sa ilalim ng tulay sa Don Moteo Bridge sa bayan ng San Manuel.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Charisse Pacheco, Deputy COP for Admin, San Manuel PNP may natanggap silang tawag mula sa isang concern citizen kaya agad pinuntahan ng kapulisan ang nasabing lugar at doon nakita ang bangkay.

Kinilala ang biktima na si Felipe Bagunas Cantor, 59 anyos, may asawa, magsasaka matapos tukuyin ng kaniyang anak.

--Ads--

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ay dumadaan ang isang 17-anyos na estudyante sa Don Moteo Bridge, nang mapansin niya ang isang walang buhay na katawan sa rumaragasang tubig sa ilalim ng tulay, dahilan upang siya ay sumigaw at nagpaalam sa kapitbahayan.

Pagkatapos nito,ay nagtungo naman ang anak ng biktima sa nasabing tulay at pagdating doon, nagulat siya nang makita niya ang walang buhay na katawan ng kanyang ama. Napag-alaman na ang kanyang ama na lasing na, ay umalis sa kanilang bahay papunta sa kanilang mga kamag-anak upang makipag-inuman ngunit mula noon, hindi na ito nakauwi.

Ang mga tauhan ng San Manuel PS kasama ang MDRRMO, BFP, COAST GUARD at RHU ng nasabing bayan, ay nagsagawa ng retrieval operation at dinala sa San Manuel RHU.

Lumalabas naman sa autopsy examination nito na nasawi ang biktima dahil sa pagkalunod bunsod ng kalasingan.