Dagupan City – Patuloy na pinaghahanap ng awtoridad ang katawan ng dating Brgy. Kagawad na nalunod sa isang irigasyon sa Brgy. Barraca sa bayan ng Villasis matapos sagipin ang bayaw nitong nalunod.

Ayon kay PMAJ. Edgar Allan Serquiña Chief of Police, Villasis PNP bandang 4:30 ng hapon noong Setyembre 14, 2024, nangyari ang insidente kung saan nakilala ang unang biktima na si Raymund Salongga Balucanag, 40 anyos. Habang ang dating Brgy. Kagawad na si Antonio Tadio, 45 anyos na nais lamang sanang sagipin ang biktima ay hindi na rin naka-ahon.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang nasabing biktima na si Balucanag na umano’y pinaniniwalaang may impluwensya ng alak, ay lumusong sa irigasyon na may sukat na humigit-kumulang 15 metro ang lapad at nasa pitong talampakan ang lalim, sa lakas ng agos ng tubig hindi na nakitang naka-ahon ito. Sinubukan namang sagipin ng dating Brgy. Kagawad na si Tadio ang napag-alamang bayaw nito subalit hindi narin ito nakaahon.

--Ads--

Ani Serquiña na sinubukan din nilang lumusong sa irigasyon upang hanapin ang katawan ng biktima subalit aniya ay malakas talaga ang agos ng tubig.

Bagamat ay narekober na ang katawan ni Balucanag ay patuloy paring pinaghahanap ang bangkay naman ni Tadio.

Paaala naman nito sa mga karatig bayan na kapag may nakita o narekober na katawan ng isang tao ay ipagbigay alam agad sa kanilang himpilan para masabihan ang kaanak ng biktima.