Dagupan City – ‎Ilang residente lamang ang lumalapit sa Barangay Zone 1 upang magpakonsulta dahil sa ubo at sipon.

‎Batay sa tala ng barangay, hindi bababa sa limang indibidwal pa lamang ang humihingi ng payong medikal kaugnay ng naturang karamdaman. Mas mababa ito kumpara sa naitalang bilang noong kaparehong panahon ng nakaraang taon.

‎Ayon kay Marites Macaranas BHW ng barangay, karaniwan umanong tumataas ang kaso ng ubo at sipon tuwing monsoon break o panahong pabago-bago ang lagay ng panahon.

Sa kasalukuyan, mangilan-ngilan pa lamang ang mga residenteng nagpupunta sa barangay health station para magpakonsulta.

‎Karamihan sa mga apektado ay mula sa iba’t ibang edad, mula sa mga bata hanggang sa matatanda, na mas sensitibo sa pagbabago ng klima at lagay ng kapaligiran.

‎Patuloy naman ang paalala ng barangay hinggil sa wastong kalinisan, partikular ang regular na paghuhugas ng kamay bilang pangunahing paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Kaugnay nito, tiniyak ng barangay na may nakalaang pasilidad sa paghuhugas ng kamay sa bawat paaralan sa nasasakupan nito.

‎Hinihikayat din ang mga residente na panatilihin ang malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay upang mapalakas ang resistensiya laban sa karaniwang karamdaman.

‎Patuloy ang pagbabantay ng barangay sa kalagayang pangkalusugan ng mga residente upang agad na makapagpatupad ng kaukulang hakbang kung kinakailangan.

--Ads--