BOMBO DAGUPAN – Tumaas ng 125 percent ang bilang ng mga namatay dahil sa rabies sa lalawigan ng Pangasinan mula Enero 1 hanggang Hulyo 8, ngayong taon.
Ayon kay Dr. Ana Maria Teresa De Guzman, Provincial Health officer sa lalawigan, nakapagtala ang lalawigan ng 9 kaso ng rabies mas mataas kumpara sa apat na kaso na naitala noong 2023.
Ang mga kaso ay nagmula sa mga sumusunod na bayan; isa sa bayan ng Bolinao, isa sa Aguilar, 2 sa bayan ng Mangatarem, isa sa bayan ng Bayambang,isa sa bayan ng Binalonan, 2 sa bayan ng Sison at isa sa bayan ng Tayug.
Sa kanyang pagharap sa question hour ng Sangguniang Panlalawigan, ibinahagi rin ni de Guzman na sa unang quarter ng 2024, ay nakapagtala sila ng 28, 844 animal bite at karamihan dito ay kinagat ng aso.
Samantala, patungkol naman sa bakuna, ang PHO ay tumanggap ng 10,376 na vaccines mula sa Department of Health noong 2023 habang 6,470 na vaccines naman ang tinanggap nila hanggang June ngayong 2024.
Ang nasabing mga bakuna ay naipamahagi na sa ibat ibang animal bite treatment centers.
Samantala, nagrequest umano sila ng budget P2 million noong 2023 at P1 million naman ang naaprubahan nitong 2024.
Ang nasabing pondo ay gagamitin sa pagbili ng bakuna para sa 12 animal bite treatment center hospital sa lalawigan.