BOMBO DAGUPAN – Nasa 45 kabuuang kaso ng leptospirosis ang naitatala sa lalawigan simula noong Enero 4 – Setyembre 9 kung saan nasa 5 katao na ang nasawi.
Ito ay bahagyang bumaba kumpara noong nakaraang taon na nasa 78 cases ang naitala at 16 naman ang nasawi.
Ayon kay Dr. Anna Ma.Teresa De Guzman, Provincial Health Officer, Pangasinan noong nakalipas na linggo ay agad silang nakapagtala ng tatlong panibagong kaso at sa nasabing datos ay 24 anyos ang pinakabatang naipaulat na nasawi habang 59 anyos naman para sa pinakamatanda.
Kaugnay nito ang mga bayan na nasa kanilang watchlist ay ang bayan ng Sual, San Fabian at Santo Tomas.
Ilan lamang sa mga sintomas nito ay ang lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, pagasakit ng ulo, pagsakit ng mga likuran ng binti gayundin ang pamumula ng mata.
Kaya’t panawagan ni Dr. Anna na mainam na magsuot ng bota kapag lulusong sa baha gayundin ang paggamit ng gloves para sa mga naglilinis ng mga kanal at drainage gayong hindi tiyak kung kontaminado ba ang mga ito o hindi.
Samantala, para naman sa kaso ng dengue sa lalawigan ay nasa 4,685 na ang naitatala kung saan ay 18 ang nasawi at kung ikukumpara noong nakaraang taon ay malaki ang naging pagtaas ng kaso mula sa 1,834 na bilang na siyang nagdulot naman ng 17 nasawi.
Nananawagan naman ito sa mga komunidad at brgy. officials na paigtingin ang massive clean up drive lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.