Dagupan City – Bukod sa mga sakit na maaring makuha dahil sa mainit na panahon, isa rin sa patuloy na tumataas na kaso na naitatala at mahigpit na binabantayan ngayon ng Dagupan City Health Office ay ang mga nakakagat at nakakalmot ng mga aso at pusa.
Ayon kay Dr. Ma. Julita De Venecia ang siyang City Health Officer ng Dagupan City Health Office batay sa kanilang datos na simula noong buwan ng Enero-April 2, ngayong taon ay umabot na sa mahigit 500 ang animal bite na kanilang naitala at karamihan din dito ay mga pet owners.
Dagdag pa nito na mayroon na ring naitala ang opisina na nasawi dahil sa animal bite at hindi pagkumpleto sa pagpapabakuna.
At sa ngayon ay tatlong beses na lamang ng anti-rabies vaccine ang nirerekomenda ng DOH na kung dati ay apat.
Aniya na sapat naman ang bakuna para sa anti-rabies vaccine ngunit minsan ay nagkukulang din ito. Pagpapaliwanag pa nya na libre ang bakuna para sa lahat.
Hindi rin nila nirerekomenda ang pagpapatandok dahil posibleng mas malagay sa alanganin ang buhay ng nakagat at mas mainam na ipakunsolta ito sa pagamutan o kaya ay sa animal bite center para mabigyan ng tamang lunas para sa mga nakagat at nakalmot ng aso at pusa.