DAGUPAN CITY- Nagsusumikap ang lokal na pamahalaan ng Binmaley na palakasin ang Public Order and Safety Office (POSO) nito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga tauhan upang mas mahusay na maipatupad ang mga batas trapiko sa bayan.

Ayon kay Roberto Segundo, hepe ng POSO, kulang pa ang kanilang mga tauhan kaya’t araw-araw silang nagtatrabaho mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa mga kalsada.

Kasalukuyang may 13 tauhan lamang sila, ngunit mayroong dalawang karagdagang tauhan ngayong araw.

--Ads--

Layunin nilang madagdagan pa ito sa 20 upang matugunan ang pangangailangan lalo na sa mga oras na mabigat ang trapiko.

Pansin ni Segundo na madalas magkaroon ng matinding trapiko sa bayan, partikular sa mga oras na alas-7 ng umaga dahil pasukan ng mga estudyante at empleyado at alas-4 ng hapon para sa uwian dahil daanan ang bayan patungo sa Lingayen at Dagupan City vice versa.

Saad nito na ang mga tauhan ng POSO ay nakaantabay sa iba’t ibang lokasyon sa bayan, kabilang na sa harapan ng Triangle malapit sa Simbahan ng Our Lady of Purification Parish Church, harapan ng munisipyo, malapit sa Binmaley Catholic School Inc., at sa harapan ng Binmaley Public Market.

Bukod sa pagpapatupad ng batas trapiko, tinututukan din ng POSO ang pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa palengke sa pamamagitan ng pagpapatupad ng one-way traffic scheme para hindi pakalat-kalat ang mga dinadaanan ng mga sasakyan.

Naglalaan din sila ng mga designated na lugar para sa mga tricycle at parking lot para sa mga pribadong sasakyang bibisita sa bayan.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapabuti ang daloy ng trapiko at mapanatili ang kaayusan sa bayan.

Nagpaalala naman ito sa publiko na ugaliing sumunod sa batas at mag-ingat para hindi magkaroon ng problema sa hinaharap.