Dagupan City – Hindi maalis ang posibilidad na maaring madagdagan pa ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominic Abril – Legal/Political Consultant, sinabi nito na malaki ang posibilidad na may mga susunod pang maghahain ng impeachment sa bise na magmumula sa mga iba-ibang religious groups, concerned citizens, at marami iba pang grupo.
Kung saan ay nauna na ring nagsampa ang grupo ng mga abogadong nasa likod ng ikatlong impeachment complaint laban kay Duterte.
Ngunit nilinaw ni Abril na hindi porket marami ang impeachment complaint kontra sa ikalawang pangulo ay nangangahulugan na ito na malaki na ang posibilidad nilang manalo dahil ang mahalaga aniya sa isang complaint ay ang substance o nilalaman ng reklamo.
Kahit kasi aniya marami ang bilang ng mga naghahain kung pare-pareho naman o kulang ang nilalaman at ebidensya maliit aniya ang posibilidad na maipapanalo nila ito.
Umaasa rin si Abril na sana ay mangibabaw ang roles of impeachment proceedings sa kaso at hindi ang personal na interest.
Sana ay manatili aniya ang batas at ebidensya at hindi lang tungkol sa nakaraang relasyon ng mga lider sa pagsilbi ng katarungan.