DAGUPAN CITY- Patuloy ang selebrasyon ng kapistahan sa bayan ng Mapandan na nagsimula noong Marso 15 at magtatapos sa Marso 23. Sa kasalukuyan, ang Mapandan Police Station (MPS) ay naka-full alert upang matiyak ang seguridad ng mga residente at mga bisitang dadalo sa mga aktibidad ng kapistahan.
Ayon kay PLT. Wilson Iral, Operation Officer ng Mapandan Police Station, mayroong 32 pulis na nakatalaga upang magbantay sa iba’t ibang bahagi ng bayan at tiyakin ang kaayusan. Bukod pa rito, katuwang din nila ang 12 traffic enforcers, 30 miyembro ng PCAD (Public Order and Safety Division), at kanilang mga OJT (On-the-Job Training) na handang tumulong upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa lugar.
Aniya na nagpapatuloy ang kanilang pagiging handa sa mga aktibidad, kaya’t ang kapistahan ay nakatakdang maging masaya at ligtas para sa lahat. Sa ngayon, wala pang naiuulat na problema o isyu ukol sa seguridad o trapiko, ngunit patuloy na pinapahusay ng mga awtoridad ang kanilang traffic management system. Ayon kay PLT. Iral, mayroong nakahandang re-routing plan kung sakaling tumaas ang bilang ng mga dumadalo at magdudulot ng pagsisikip sa mga kalsada.
Tiniyak din ni Iral na buo ang koordinasyon ng Mapandan Police Station sa POSO (Public Order and Safety Office) at MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office) upang masiguro ang mabilis na pagtugon sa anumang emergency na maaaring mangyari sa panahon ng kapistahan.
Para sa mga motorista, pinaalalahanan ang lahat na maging maingat sa pagbiyahe at sumunod sa mga patakaran sa kalsada. Mayroon ding nakahandang mga parking areas para sa mga dadalo upang hindi magdulot ng abala sa trapiko.
Sa kabila ng kasiyahan at kasiglahan ng kapistahan, nagbigay paalala si PLT. Iral sa mga bisita na magsaya at magdiwang ng ligtas at maayos, at patuloy na mag-ingat sa kanilang kaligtasan. Ang mga otoridad ay nakatutok upang siguruhing magtatagumpay ang selebrasyon sa bayan ng Mapandan.