DAGUPAN CITY- Hangad ng Federation of Free Workers na matugunan ang malaking kakulangan sa kahandaan at kaligtasan ng mga manggagawa sa tuwing may sakuna, partikular na ang lindol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng nasabing grupo, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng earthquake drill kundi tiyakin din na gumagana ang mga Occupational Safety and Health Committees.

Aniya, sa pag-aaral ng Department of Labor and Employment(DOLE), hindi ito buong naisasagawa ng mga enterprises.

--Ads--

Nalalabag umano ng karamihan ng mga kumpanya ang pagkakaroon ng first aiders at matibay na safety officers.

Kapag ito ay napansin ng DOLE Labor Inspectors ay bibigyan ang naturang kumpanya na 30 days para mag-comply.

Pagbabayaran naman ng kumpanya ang bawat araw na hindi pagtugon sa kinakailangang compliance.

Pwede naman ipatigil agad ng ahensya ang operasyon ng kumpanya sa tinatayuang gusali nito kung lumalabas sa pagsusuri na may panganib na kailangan agad aksyunan.

Mas mabigat naman na parusa ang ipapataw sa employer na hindi pinatigil ang pagtatrabaho ng mga empleyado kahit nasa napakadelekadong sitwasyon ang mga ito.

Ikinatuwa naman ni Cainglet na inaksyunan na ng ahensya ang mga kumpanya ng call centers na patuloy pinagtrabaho ang mga empeyado kahit sa kasagsagan ng paglindol.

Samantala, maaari naman magpatupad ng flexible work arrangement ang isang employer kung sinang-ayunan ito ng mga empleyado nito.