DAGUPAN CITY- Dapat na tutukan ng Department of Education (DepEd) ang pagtugon sa kakulangan sa kagamitang pang-edukasyon at personnel, lalo na at may transition na ng Revised K–12 Curriculum.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Benjo Basas, National Chairman ng Teachers Dignity Coalition (TDC), binigyang-diin niya ang patuloy na hamon sa sektor ng edukasyon sa kabila ng pagpapatupad ng transition sa mga paaralan.

Aniya, bagama’t nakikita nila ang pagsisikap ng Department of Education (DepEd) sa pagbibigay ng mga training sa mga guro, kapansin-pansin pa rin ang kakulangan sa mga updated na educational materials.

--Ads--

Ibinahagi rin niya ang pangamba ng kanilang grupo para sa darating na School Year 2025-2026, na aniya’y posibleng magpatuloy ang mga lumang problema tulad ng kakulangan sa kagamitan, silid-aralan, at guro.

Gayunpaman, pinuri ng grupo ang pagkilala ng DepEd sa mga pagkukulang na ito.

Samantala, nanawagan din ang grupo sa DepEd na linisin ang sariling hanay sa gitna ng mga reklamong natatanggap laban sa kagawaran.