DAGUPAN CITY- Kinukulang na sa araw at oras ang West Central Elementary School, sa lungsod ng Dagupan, dulot ng mga suspensyon ng klase dahil sa mga nagdaang bagyo upang makahabol sa mga lessons.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Renato Santillan, Principal IV sa nasabing paaralan, nagsasagawa na lamang sila ng remedial class tuwing hapon upang matiyak pa rin ang learning competencies ng mga mag-aaral.

Aniya, kung hindi naman sapat ay humihingi sila ng permiso mula sa mga magulang para sa Saturday classes.

--Ads--

Kung nakikita naman aniya ang hindi kagandahang resulta sa bawat pagsusulit ng mga mag-aaral ay naniniwala si Santillan na bukas ang mga magulang para sa naturang klase.

Sinabi naman niya na sa tuwing may suspensyon naman ng klase dulot ng bagyo ay nagkakaroon naman ng modular distance learning ang mga mag-aaral upang patuloy pa rin ang kanilang pagkatuto.

Tiniyak na rin nilang naibigay na mga ito bago pa magkaroon ng anunsyo kaugnay sa suspensyon ng mga klase.

Samantala, ipinapayo naman ng Division Office na isagawa sa araw ng sabado ang mga aktibidad ng paaralan upang hindi maapektuhan ang mga klase.

Maliban diyan, iniisip na rin ng kanilang paaralan na gawing 3 araw na lamang ang 5 days school training ng mga guro.