Sino ang mag-aakalang ang isang electric toothbrush ang magiging bida sa isang teleserye-worthy na kwento ng pagtataksil?

Sa panahong halos lahat ay “smart” na—smart TV, smart ref, smart pet feeder—pati toothbrush ngayon, may pakialam na rin sa love life! At hindi lang basta pakialam, kundi aktwal pang naging dahilan kung bakit nabisto ang isang kabit.

Ayon sa isang ulat mula sa UK, lumapit sa isang beteranong private investigator na si Paul Jones ang isang misis na may kutob na may “babae” ang kanyang mister.

--Ads--

Ang catch? Hindi galing sa text messages o CCTV ang ebidensya—kundi mula sa kanilang smart toothbrush app!

Ang nasabing app ay ginagamit ng buong pamilya para i-monitor ang pagsisipilyo—lalo na ng kanilang mga chikiting.

Pero sa hindi inaasahang twist, may napansin ang ginang: tuwing Biyernes ng umaga, may gumagalaw sa toothbrush—kahit na wala namang tao sa bahay!

Noong una, baka raw glitch lang. Pero habang tumatagal, consistent ang pattern. Tuwing Biyernes ng umaga, may nagsisipilyo.

Nang komprontahin ang mister, todo tanggi ito. Pero ‘ika nga nila, numbers don’t lie—lalo na kung galing sa toothbrush na marunong magtala ng oras, petsa, at lokasyon!

Sa tulong ni Jones, nalaman na tuwing walang tao sa bahay, palihim na umuuwi si mister para makipagkita sa kanyang “dental partner” na isang katrabaho. At oo, ginagamit pa ang toothbrush na pang-pamilya!

Dahil dito, nabisto si mister ng kaniyang misis sa hindi inaasahang paraan.