DAGUPAN, City- Sobrang proud ang mga kamag-anak ng Goal Keeper ng France na si Alphonse Areola ng tubong Tayug, Pangasinan sa naging karangalan na bitbit nito sa paglalaro nito sa FIFA World Cup 2022 sa bansang Qatar.

Ayon kay Ricardo Padilla, isa sa mga pinsan ng naturang manlalaro, na isang malaking karangalan para sa kanilang angkan ang nakamit na tagumpay ni Areola sa larangan ng football.

Aniya, ang kanyang mga magulang ang isa sa naging masugid na katuwang nito sa kanyang karera sa nabanggit na sport.

--Ads--

Katunayan, ang kanyang ama umano ay matiyagang sumasama sa kanya upang siya ay i-enroll sa isang football school sa France upang mas malinang ang kanyang kakayanan.

Ang huling pagkikita umano ng dalawa ay noong taon pang 2011 kung saan siya ay kabilang sa kilalang football team sa Germany na Paris Saint Germain at ng Under 23 national team ng France.

Ibinahagi rin ni Padilla na bilang isang proud ilokano, marunong ding magsalita ng iloko si Areola at minsan na ring bumisita sa bayan ng Tayug.

Sa ngayon, ay nakaabang ang kaniyang mga kaanak sa France, at dito na rin sa lalawigan ng Pangasinan sa mga laro ni Areola para sa nabanggit na bansa sa World Cup.