BOMBO DAGUPAN — Sinabi ng Israeli military na nakubkob na nito ang mahalagang buffer zone sa Gaza-Egypt border o ang tinatawag na Philadelphi Corridor na nangangahulugang ganap na nitong kontrol ang buong Gaza land border.

Ayon sa tagapagsalita ng Israel Defense Forces (IDF) na nasa tinatayang 20 mga tunnel na ginagamit ng Hamas upang mag-smuggle ng mga armas sa Gaza ang kanilang natuklasan sa lugar.

Sa ulat naman ng isang Egyptian TV ang itinanggi umano ng kanilang sources ang mga ito, at sinabing ang Israel ay sinusubukang i-justify ang kanilang military operation sa southern Gaza city ng Rafah.

--Ads--

Lumabas ang nasabing anunsyo sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Egypt.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Israel Defense Forces Rear Adm. Daniel Hagari na sa mga nakalipas na araw ay nakapagtatag ang IDF ng “operational control” sa Philadelphi Corridor sa border sa pagitan ng Egypt at Rafah.

Isinalarawan naman nito ang nasabing border bilang “lifeline” para sa Hamas sa pamamagitan ng tinatawag ng grupo bilang “palagiang pagpupuslit ng mga armas sa Gaza Strip”.

Idinagdag pa nito na ang kanilang mga tropa ay nagiimbistiga at ninu-neutralize ang mga tunnels na kanilang natagpuan.