BOMBO DAGUPAN — Isinama ng United Nations ang Israel sa kanilang listahan ng mga offender na nabigong protektahan ang kaligtasan at buhay ng mga bata, ayon sa ambassador ng Israel sa UN.

Isinalarawan ni Gilad Erdan ang desisyon bilang “kahiya-hiya”.

Sinabi naman ni Foreign Minister Israel Katz na ito ay may mga “kaakibat na kahihinantnan sa relasyon ng Israel sa United Nations”.

--Ads--

Inihayag naman ng tagapagsalita para sa sa Palestinian president sa isang news agency na ang nasabing desisyon ay lalong maglalapit sa pagpapanagot sa Israel para sa mga krimen nito.

Libu-libong mga bata ang nasawi sa kampanya ng Israel laban sa Hamas sa Gaza, habang libu-libo ring mga bata pa ang desperado naman para sa humanitarian assistance.

Ang taunang listahan ng Secretary General ay kinabibilangan ng mga krimen gaya na lamang ng pamamaslang sa mga bata na naiipit sa giyera at gayon na rin ang pagtanggi sa access at pagpapapasok ng tulong, at pagtarget ng mga paaralan at pagamutan.

isasama naman ito sa report na ipi-presenta sa UN Security Council sa susunod na linggo.

Hindi naman malinaw kung aling mga paglabag ang inaakusa sa Israeli army.

Ang Hamas at Islamic Jihad ay isasama rin naman sa listahan ayon pa sa mga ulat.

Sinabi naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na idinagdag din ng UN ang kanilang sarili sa listahan ng “blacklist of history” kasabay ng paninindigan nito na ang Israeli military ang “pinaka-makatao at moral na army sa bung mundo”.

Matatandaan na naglunsad ang Israel ng kanilang opensiba matapos ang pagatake ng Hamas sa mga komunidad malapit sa Gaza noong Oktubre 7 ng nakaraang taon.

Ito ay kumitil sa buhay ng 1,200 mga katao kabilang na ang 38 mga bata, at dumakip ng nasa 252 mga hostages kabilang na ang 42 mga bata ayon sa National Council for the Child ng Israel.

Ibinahagi naman ng Hamas-run health ministry sa Gaza na nasa 36,731 na mga indibidwal na ang nasawi bunsod ng mga pambobomba at ground attacks ng Israel.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng UN na nasa 7,797 na mga bata na ang nasawi bunsod ng giyera batay sa mga datos na may kaugnayan sa mga nakilalang mga katawan ng Hamas-run health ministry sa Gaza.

Sinundan naman ito ng pagrebisa ng organisasyon sa proporsyon ng mga naitalang pagkasawi ng mga kabababihan at mga bata mula sa 69% sa 52% ng kabuuang bilang ng mga pagkasawi.

Kumento naman ng Israel na ang kabawasan na ito ay nagpapakita na umasa umano ang UN sa pekeng impormasyon mula sa Hamas.

Ayon naman sa UN na umaasa na sila ngayon sa mga datos na hawak ng Hamas-run health ministry sa Gaza kaysa sa Hamas-run Government Media Office.

Samantala, sinabi naman ng GMO na ang mga pagatake ng Israel ay naguwi sa pagkasawi ng mahigit 15,000 mga bata.