BOMBO RADYO DAGUPAN — Isang political persecution.
Ganito ihinalintulad ni Alliance of Concerned Teachers Partylist Representative France Castro ang kinakaharap nitong kaso ngayon sa kinaharap na kaso ni dating Senator Leila de Lima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ang nakaraang administrasyon ay malaki ang galit sa kanilang grupo at sa iba pang mga kahalintulad na mga oposisyong organisasyon.
Kaya naman aniya ay maraming isinampa sa kanilang mga trumped up cases na kalaunan ay napatunayang gawa-gawa lamang.
Kaugnay nito ay nirerespeto naman aniya nila ang naging desisyon ng Tagum City Regional Trial Court, kaya naman ay pumapaloob sila sa proseso ng justice system.
Ngunit kung sasampahan naman aniya sila ng Department of Justice ng kaso kaugnay sa inilalabas nilang mga saloobin at opinyon kaugnay sa mga kinakaharap nilang kaso ay ibang usapin na aniya ito.
Saad pa nito na kung mayroon mang unethical sa pagitan ng kanilang kampo at ng DOJ ay ito ang ginagawa ngayon ng ahensya na pamumulitika at pagpukol sa kanila ng mga walang basehang paratang.
Samantala, umaasa naman ito na walang makakahadlang sa plano nitong pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na halalan sa susunod na taon.
Kaugnay nito, idiniin ni Castro na sa kabila ng kasong kanyang kinakaharap ngayon ay hindi ito magdadalawang-isip na muling tumulong sa mga katutubo ng bansa kahit ano pa man ang kaakibat nito.