DAGUPAN CITY- Maikokonsidera ang isinagawang halalan bilang maayos at mapayapa, samantalang ipinapanawagan ng isang grupo sa COMELEC ang ilang mga bagay na maaaring gawin sa mga susunod pang mga halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Benjo Basas, Chairman ng Teachers Dignity Coalition,inihayag nitong sa kabila ng ilang aberya, naging maayos ang kabuuang takbo ng halalan.
Aniya, marami sa mga guro ang aktibong nakibahagi, at bagamat may mga minor na problema, ito’y agad namang naresolba.
Wala din silang natanggap na ulat ng karahasan laban sa mga guro, gayunman, binigyang-diin niya ang ilang rekomendasyon na opisyal nang isinumite sa COMELEC.
Ipinapanawagan ng grupo ang mas malaking suporta para sa mga electoral board at sa paggamit ng ACM (automated counting machines)
Kasama rin sa kanilang panawagan ang mas maayos na kalidad ng mga election materials gaya ng papel at marker.
Dagdag niya, dapat ding ikonsidera ang paglalaan ng isang espesyal na araw ng pagboto para sa mga vulnerable sectors bago ang mismong halalan.