Mga kabombo! Nais mo ba ng matinding unwind?

Aba! Ito na ang sagot para makahinga ka at maranasan ang “tunay na pahinga”

Paano ba naman kasi, isang bagong bukas na spa sa Tokyo ang agaw-atensiyon ngayon dahil sa inaalok nitong kakaibang paraan ng pagpapahinga: ang meditation sa loob ng kabaong.

--Ads--

Ang establishment ay tinatawag na Meiso Kukan Kanoke-in sa Takadanobaba na ­naglalayong bigyan ang kanilang mga kliyente ng pagkakataong pagnilayan ang buhay sa pamamagitan ng pagiging conscious sa konsepto ng kamatayan.

Sa halagang 2,000 yen o katumbas ng 780 pesos, maaaring humiga sa loob ng Japanese-style na kabaong sa loob ng 30 minutes.

Habang nasa loob ka kasi nito hinihikayat kang mag-isip nang malalim o magpahinga habang nakikinig sa healing music.

Mayroon itong maliit na bintana na maaaring buksan kung hindi na kumportable sa loob.

Ayon pa sa spa, bukas ito sa lahat ng relihiyon.

Gayunman, mahigpit ang mga patakaran ng parlor para sa kaligtasan.

Tumatanggap lamang sila ng mga kliyente na edad 18 pataas na hindi lalampas sa 6 feet ang height, at hindi bibigat sa 90 kilograms ang timbang.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang serbisyo sa mga taong may claustrophobia o takot sa masikip na lugar, at hinihiling na nasa maayos na mental health ang sinumang susubok nito.