Isa ka rin ba sa taga-hanga ni Australian Rubik’s cube speedsolver at two-time world champion Feliks Zemdegs nang makapagtala siya ng 4.73 seconds at 4.59 seconds world record sa pagbuo ng 3×3 rubik’s cube?

Hanggang ngayon din ba ay hindi mo ito magawa kahit makailang ensayo ka pa?

Baka ang kailangan mo ay tulong mula sa imbensyon ng mga estudyante mula West Lafayette, Indiana, USA.

--Ads--

Ang apat na estudyante na sina Matthew Patrohay, Junpei Ota, Aden Hurd, at Alex Berta ay bumuo ng isang robot na kayang bumuo ng isang puzzle cube sa napakabilis na oras.

Pinangalanan nila itong si Purdubik’s Cube.

Nakamit nito ang Guinness World Record matapos mapagtagumpayan nitong mabuo ang 3×3 rubik’s cube sa loob lamang ng 103 milliseconds.

Mas mabilis pa ito sa pagkurap ng mata ng isang tao kung saan inaabot pa ito ng 200-300 milliseconds.

Naging inspirasyon ng mga estudyante ang naunang record holder nito, kaya nagkaroon sila ng motibasyon na gumawa ng sarili nilang pagtatangka na higitan ito.

Ang naunang world record ay hawak ng mga MIT students na may 380 milliseconds sa pagbuo ng puzzle cube.