DAGUPAN CITY- Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may isa nang nasawing Overseas Filipino Worker (OFW) sa Israel dahil sa tuloy-tuloy na pag-atake ng Iran.
Sa inilabas na pahayag ni Marcos ngayon gabi, kinilala ang nasawi na si Mary Ann Velasquez De Vera, isang care giver na tubong Basista, Pangasinan.
Aniya, nangyari ang insidente habang tinutulungan ang kaniyang alaga papuntang bomb shelter.
Sa kasamaang palad, hindi na sila nakaabot pa nang maabutan ng pag-atake at tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba si De Vera.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na ibibgay ang kinakailangang tulong ng naulilang pamilya.
Samantala, hindi pa mawala ang kaba ng mga tao sa Israel dahil patuloy pa rin ang natatanggap na alarma at pagbalik-balik sa bomb shelter.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kristine Soriano, Bombo International News Correspondent sa Israel, sa oras na makarinig ng alarma, kinakailangan nilang makapasok sa shelter sa loob ng 10 minuto.
Aniya, patuloy ang pag-abiso ng gobyerno sa Israel sa publiko na manatili lamang sa loob ng kanilang pamamahay at gawin prayoridad ang kanilang kaligtasan.
Sa kasalukuyan, habang nagpapatuloy ang girian ng Israel at Iran ay isinara na muna ang mga paaralan at trabaho.









