DAGUPAN CITY- Isang lumang lata ng biskwit ang sentro ng isang kakaibang ngunit seryosong ritwal sa Parlamento ng New Zealand ang “biscuit tin,” na siyang nagpapasya kung aling panukalang batas ang tatalakayin ng mga mambabatas.

Sa tuwing may bakanteng puwesto sa agenda ng Parlamento, inilalabas ang pinagpipitaganang lata mula sa isang glass case.

Sa ilalim ng mata ng isang opisyal na nakaitim na balabal, iniikot ang lata na parang bingo drum, at mula rito ay nabubunot ang mga numerong kumakatawan sa mga panukalang batas.

--Ads--

Ang proseso, bagamat tila nakakatawa, ay isang makapangyarihang paraan para mabigyan ng pantay na tsansa ang bawat mambabatas—kahit gaano pa ka-‘unpopular’ o kakaiba ang kanilang mungkahi.

Sa loob ng latang may kupas na disenyo at natuklap na etiketa ay maaaring may isang ambisyosong reporma, isang teknikal na amyenda sa batas, o kaya’y personal na adhikain ng isang mambabatas na ayaw suportahan ng kanyang partido.

Ayon sa kasaysayan, binili lang ang lata mula sa isang department store sa Wellington noong 1990s.

Matapos kainin ang mga biskwit, ginamit ito para sa draw gamit ang mga bingo token na may bilang mula 1 hanggang 90.