Mga kabombo! Kaya mo bang matiis ang isang araw na walang wifi?
Paano na lamang kung malaman mong isang ina ang muntik nang masawi matapos pagbawalan ang kaniyang mga anak na gumamit ng wifi?
Ito kasi ang nangyari sa isang residente sa Texas, U.S.A. Kung saan, hindi lang isang anak, kundi- tatlong magkakapatid na dalagita na nasa edad 14, 15, at 16, ang nagtangkang kitilin ang sariling buhay ng kanilang 39-anyos na ina dahil ini-off nito ang WiFi!
Ayon sa ulat, naganap ang insidente matapos magkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mga ito matapos i-off ng ina ang internet connection sa kanilang tahanan.
Dahil dito, sabay-sabay umanong kumuha ng mga kutsilyo sa kusina ang tatlong dalagita at hinabol ang kanilang ina sa buong bahay na umabot hanggang sa kalsada.
Sa kasagsagan ng kaguluhan, hinampas pa raw ng isa sa mga dalagita ang kanilang ina gamit ang isang brick, habang ang kanilang 70-anyos na lola, na nagtangkang umawat, ay natumba sa lakas ng tulakan.
Agad namang nakaresponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat ng kaguluhan. Sa kabutihang palad, parehong ligtas ang ina at lola, bagamat nakaranas ng injuries.
Agad namang inaresto ang tatlong magkakapatid at sinampahan ng kasong aggravated assault with a deadly weapon. Kasalukuyan silang nakakulong sa Harris County Juvenile Detention Center.
Hindi pa malinaw kung ano ang maaaring maging hatol sa tatlong dalagita, ngunit tiyak na haharap sila sa seryosong kaso. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidenteng ito na nagsilbing babala sa lahat ng magulang tungkol sa epekto ng labis na paggamit ng teknolohiya sa mga kabataan ngayon.