DAGUPAN CITY- Mga Ka-Bombo! Isa ka rin ba sa mga taong tinatawag na may sweet tooth?
Kaya mo kayang itaya ang iyong kalusugan para isang piraso ng candy?
Isang Canadian student ang dumaan sa isang traumatizing event matapos subukang kumain ng jawbreaker candy, na nagresulta sa pagkahati ng kanyang panga at pag-wiring ng kanyang bibig ng anim na linggo.
Si Javeria Wasim, isang 19-anyos na estudyante, ay namili kasama ang isang kaibigan nang makita nila ang jawbreaker na kasing laki ng isang bola ng snooker sa isang tindahan.
Pagkagat ni Wasim sa candy, agad na sumakit ang kanyang panga.
Napansin ng kaibigan niyang may naputol na pang-ibabang ngipin at ang isa naman ay maluwag.
Nang masaktan pa ang panga at makitang may sira, tumawag na sila ng ambulansya.
Sa ospital, napag-alaman mula sa mga X-ray at CT scan na nagkaroon siya ng dalawang bali sa kanyang panga.
Dahil sa matinding sakit at hindi makabuka ng bibig, agad siyang isinailalim sa operasyon.
Aminado si Wasim na ang insidente ay nag-iwan sa kanya ng trauma at malaki ang posibilidad na hindi na siya kakain pa ng candy sa hinaharap.