Mga Kabombo! Naniniwala ka sa forever?
Paano kung ang inaasam mong happily-ever-after ay mawala na lamang sa isang iglap dahil sa isang supermarket reward program?
Ganito kasi ang nangyari sa isang misis sa Australia, kung saan nahuli niya ang pagtataksil ng kaniyang asawa gamit ang isang supermarket rewards program.
Ayon kay Cass, isang private investigator, kinuha siya ng misis upang alamin kung totoo ang kanyang hinala na may ginagawang hindi tama ang kanyang asawa.
Ang mag-asawa ay nakatira sa Queensland, pero naging madalas ang kanilang biyahe patungong New South Wales upang bisitahin ang pamilya.
Nang tingnan ng misis ang kanilang joint bank account, nakita niyang may mga transaksyon sa mga supermarket, ngunit walang detalye kung saan ito nangyari.
Sinabihan ni Cass ang misis na tingnan kung may joint rewards account sila, tulad ng Everyday Rewards o Flybuys.
Nang i-check ito, natuklasan nilang may Flybuys account sila.
Dito nalaman ng misis na ang mga transaksyon sa Coles at Bunnings ay nasa isang lugar sa Queensland kung saan nakatira ang ex-girlfriend ng kanyang asawa.
Dahil sa simpleng rewards program, nabuking ang lihim ng asawa at natuklasan ang kanyang pagtataksil.