DAGUPAN CITY — Dahil sa matinding depresyon.
Ito ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad at pamilya ng isang 37-anyos na lalaki kung bakit nito nagawang kitilin ang kanyang sariling buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Rommel Dulay, Police Commissioned Officer ng Alaminos City Police Station, sinabi nito na sa kanilang pakikipagpanayam sa pamilya ng biktima na kinilalang si Norman Padez, 37-anyos, isang construction worker, at residente ng Brgy. Bisocol, sa naturang lungsod, kanilang napagalaman na hindi ito ang unang pagkakataon na nagtangka ang biktima na kitilin ang sarili niyang buhay.
Aniya na kanilang napagalaman na bago ang insidente ay mayroon na itong naunang dalawang pagtatangka na mag-suicide, kung saan ang unang pagtatangka ay sa pamamagitan ng pananaksak sa kanyang sarili at ang ikalawa naman ay ang pagbibigti.
Dagdag nito na sinabi pa ng pamilya ng biktima na may problema rin ito sa pamilya na maaaring dahilan naman ng kanyang depresyon.
Kaugnay nito, nakatutuok naman ang kanilang hanay sa mga programa na tumutugon sa mga ganitong usapin na kanilang inilulunsad sa mga bara-barangay katuwang ang Women and Children’s Protection Desk.
Aniya na hindi lamang ang mga kabataan ang kanilang kinakausap subalit maging ang mga nakatatanda na bahagi naman ng kanilang mekanismo sa paglaban sa mga kahalintulad na insidene at iba pang mga krimen.