DAGUPAN CITY- Mga Ka-Bombo! Naniniwala ka ba kay Santa?

Paano kapag nalaman mong pupunta siya sa inyong lugar ngunit hindi nakasakay sa reindeer kundi sa bangka?

Ito lang naman kasi ang nangyari sa isang lalaking nagsasabing siya si Santa Claus.

--Ads--

Tinahak nito ang matinding init ng kagubatan ng Amazona at sumakay ng dalawang bangka upang magdala ng mga regalo sa mga bata sa Brazil.

Ang pagbisita ay inorganisa ng Amigos do Papai Noel, isang charity sa Brazil na matagal nang nagdadala ng mga regalo sa mga bata sa kagubatan ng Amazon sa loob ng 26 na taon.

Mahigit 600 na mga bata mula sa iba’t ibang nayon ang nagtipon sa Catalao upang tumanggap ng mga regalo mula kay Santa.

Dosenang mga boluntaryo ang nagbuo ng linya sa bangka ni Santa upang tulungan siyang idaan ang mga holiday cargo ng mga stuffed animals, mga manika, at mga soccer ball.

May dalawang boluntaryo pa na kinailangang buhatin si Santa mula sa bangka upang hindi mabasa ang kanyang mga bota, dahil walang pantalan.

Ayon sa Amigos do Papai Noel, ang pagbabago sa panahon ay nagdagdag ng hirap sa paghahatid ng mga regalo.

Ngayong taon, mababa ang lebel ng tubig sa dalawang pinakamalalaking ilog sa lugar, ang Amazon at Rio Negro.