DAGUPAN CITY- Isang plastic contain na naglalaman ng nagkakahalagang higit P112-million na shabu ang natagpuan ng mangingisda sa Patar Beach sa bayan ng Bolinao.
Ayon kay PCapt. Ross Brian Marmeto, Officer-in-charge ng Agno Municipal Police Station, natagpuan ng mangingisdang mula sa Barangay Macaboboni, bayan ng Agno ang isang plastic container sa layong 40 nautical miles sa kanlurang bahagi ng Patar Beach. Ito na umano ang ika-apat na natagpuang palutang-lutang na shabu sa karagatan ng lalawigan.
Inakala umano ng mangingisda na isa lamang itong ordinaryong drum subalit, nang buksan ay naglalaman pala ito ng shabu kaya agad din niya itong ipinag-alam sa kapulisan.
Aniya, may bigat ang nasabing shabu na 16.5 kg.
Sa kasalukuyan ay tinurn over na din ito ng Agno PNP sa Pangasinan Provincial Forensic Unit.
Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency upang malaman ang pinagmumulan ng mga natatagpuang shabu sa karagatan ng lalawigan.
Pina-iigting din nila nag pagpapatrolya sa mga coastal areas, pagkakaroon ng checkpoint operations, at pagkakaroon ng symposium.
Samantala, binigyan na din umano ng Local Government Unit at PDEA na bigyan ng reward money ang mga nakakapulot at nagsurrender ng nasabing ipinagbabawal na shabu.