Patuloy na umiigting ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang sunod-sunod na opensibang militar ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na nagdulot ng malawakang pag-atake at pagganti sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Sa gitna ng lumalalang sigalot, iginiit ng pamahalaan ng Iran na hindi sila susuko sa kabila ng matitinding pagbabanta mula sa pamahalaan ng Estados Unidos.
Ayon sa mga pahayag ng lider ng Iran, patuloy nilang ipagtatanggol ang kanilang bansa laban sa anumang pananakot o agresyon mula sa mga kalaban.
Tumugon ito sa naging babala ni US President Donald Trump na magsasagawa ang Amerika ng mas mabibigat pang pag-atake laban sa Iran at maging sa mga opisyal ng pamahalaan at militar nito kung magpapatuloy ang tensyon.
Sa kabila nito, nagbigay ng pahayag ang pangulo ng Iran na si Masoud Pezeshkian na humihingi ng paumanhin sa mga karatig-bansa sa rehiyon na nadamay sa mga naunang pag-atake.
Ipinahayag niya na handa ang Iran na ihinto ang mga opensiba laban sa mga kalapit na bansa, basta’t hindi gagamitin ng mga ito ang kanilang teritoryo bilang base para sa pag-atake laban sa Iran.
Ayon pa sa pamahalaan ng Iran, nakatuon lamang ang kanilang mga operasyong militar sa mga target na may kaugnayan sa Estados Unidos at Israel, at hindi laban sa mga bansang walang direktang kinalaman sa sigalot.










