Inaasahang magpapasya ang International Criminal Court (ICC) sa Enero kung ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pisikal at mental na handang humarap sa paglilitis, ayon kay ICC assistant counsel Atty. Kristina Conti nitong Linggo.

Ginawa ni Conti ang pahayag matapos ideklara ng isang panel ng mga eksperto na nagsuri sa kalagayang medikal ng dating pangulo na kaya nitong ganap na makilahok at umunawa sa mga pre-trial proceedings ng ICC.

Nauna nang itinakda ng ICC Pre-Trial Chamber I ang Disyembre 5 bilang huling araw ng pagsusumite ng medical report hinggil sa kondisyon ni Duterte.

--Ads--

Ito ay kasunod ng kahilingan ng kampo ng depensa na ipagpaliban nang walang takdang panahon ang mga pagdinig.

Ayon kay Nicholas Kaufman, abogado ng depensa, hindi umano kayang alalahanin ni Duterte ang mga pangyayari, lugar, oras, at maging ang ilang miyembro ng kanyang malapit na pamilya.

Dagdag pa niya, ang 80-anyos na dating pangulo ay wala umanong sapat na kakayahang kognitibo upang maayos na ipagtanggol ang sarili sa korte.

Gayunman, iginiit ni Conti na hindi hihiling ng warrant of arrest ang ICC kung ang isang kaso ay hindi pa handa para sa paglilitis.

Sa kasalukuyan, nakadetine si Duterte sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa madugong kampanya kontra droga na ipinatupad niya noong alkalde pa siya ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo ng Pilipinas.