DAGUPAN CITY- “Political will” ang pinaniniwalaan ng Ban Toxics upang tuluyan nang mawakasan ang taunang problema sa paputok.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Thony Dizon, Campaigner ng Ban Toxics, sa pamamaraang ito ay mas magiging istrikto ang pamahalaan at ikonsidera ang total banning ng paputok.

Aniya, muli silang nadismaya sa kinalabasan ng pagsapit ng bagong taon 2025 dahil sa tumataas na bilang ng mga naputukan at kalat na iniwan nito.

--Ads--

Kinakailangang aniyang may baguhin sa tradisyon o kultura ng mga Pilipino, partikular na sa bagong taon, dahil bagaman taunang pagdiriwang ito ay hindi pa rin nawawala ang mga problemang nabanggit.

Kaya hiling ng kanilang grupo ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga polisiya upang matugunan ito.

Kasabay naman nito ang mga alternatibong programa na sasalo sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho kung maipatupad ang total banning ng paputok.

Dapat din ipabilang sa mga programa kontra illegal na paputok ang pagpromote ng mga lugar na hindi gaano gumagamit ng paputok tuwing bagong taon.

Ito ay upang mas mahikayat ang mga Local Government Units na bigyan na ng pansin ang mga lugar na may mataas na bilang ng fire-crackers-related injury.