Ipinaliwanag ng isang constitutional lawyer ang magiging implikasyon ng paglalabas ng Temporary Restraining Order o TRO ng Korte Suprema kaugnay sa mga nuisance candidate at hindi pagsama ng pangalan ng kandidato na pinagpasyahan ng COMELEC.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional at street lawyer sa Mangaldan, Pangasinan, ang status ng listahan ng mga kandidato sa balota ay hindi mababago hanggat hindi inaalis ng Korte Suprema ang TRO kaugnay sa mga naimprinta ng COMELEC.
Aniya, sa panig ng nag-withdraw na kandidato, hindi matatanggal ang pangalan nito sa listahan sa balota ngunit hindi na mabibilang ang mga boto nito.
Habang sa panig ng inalis ang pangalan ng kandidato dahil tinanggal ng COMELEC at umano’y nuisance candidate, kinakalingan na palitan ang balota ng komisyon at idagdag doon ang mga pangalan na una ng inalis.
Matatandaan na naglabas ng TRO ang Korte Suprema para pigilan ang Commission on Elections sa pag disqualify sa kandidatura ni dating Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice at ilan pang kandidato.