DAGUPAN CITY- Nagagawa nang makapamili sa ilang bukas na pamilihan ang mga residente ng Rehovot, Israel, kahit nagpapatuloy pa rin ang palitan ng atake ng US-Israel Joint Forces at ang Iran.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mylene Alonzo Fernan, isang caregiver sa Rehovot, Isrel, hindi pa rin tahimik sa kanilang bansa subalit, nagagawa na nilang makalabas, maliban na lamang sa labis na apektado ng giyera.

Aniya, nagiging alerto na lamang sila at dali-daling tatakbo sa bomb shelter sa oras na makatanggap o makarinig ng alarma.

--Ads--

Gayunpaman, hindi pa rin sila nilulubayan ng kaba at pangamba sa tuwing may pag-atake dahil sa naririnig nila ang mga pagsabog at ramdam pa rin ang impact nito.

Subalit, hindi na ito bago kay Fernan dahil higit apat na taon na siyang nagtatrabaho sa Israel.

Pipiliin pa rin aniya ang manatili at magtrabaho doon hangga’t may pagkakataon.

Samantala, patuloy nakamonitor ang Philippine Embassy sa sitwasyon at sa pagpapaalalang tiyakin ang kanilang kaligtasan.