DAGUPAN CITY- Naglabas ng mga violation slip at formal charge ang Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan laban sa ilang establisyemento sa lalawigan matapos madiskubre ang iba’t ibang paglabag sa umiiral na mga batas at pamantayan ng pamahalaan.
Ayon kay NATALIA DALATEN, Asst. Reg. Dir. DTI Region 1 & Prov. Dir. DTI Pangasinan, violation slip o notice of violations ang na-isyu sa 7 establisyemento, habang 4 na formal charge at 4 na show cause order naman ang ipinataw sa mga negosyong natuklasang lumabag sa Standards Law, Residential Decree 1572 o Accreditation Law, at sa mga regulasyon sa sales promotion.
Aniya na nagmula ang mga paglabag matapos magsagawa ng monitoring at enforcement operations ang mga tauhan ng DTI sa mga establisyemento sa Dagupan City, Calasiao, Urdaneta City at iba pang kalapit na bayan at lungsod sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa isinagawang inspeksyon, napag-alaman umano na may mga produktong ibinebenta ang ilang establisyemento na hindi sumusunod sa Philippine National Standards na itinakda ng pamahalaan, partikular ang mga produktong saklaw ng mandatory standards tulad ng construction materials, electrical supplies at iba pang household appliances.
Ayon kay Dalaten, natuklasan din na may ilang service at repair shops na walang permit mula sa DTI, na labag sa Accreditation Law.
Dagdag niya na bukod dito, may mga establisyemento ring naisyuhan ng show cause order matapos matuklasang nagsasagawa ng sales promotion na ina-advertise online kahit wala silang sales promo permit sa talaan ng DTI.
Ipinaliwanag ng DTI na matapos ma-isyu ang violation slip at makapagsumite ng sagot ang establisyemento, daraan ang kaso sa enforcement at adjudication process.
Kapag napatunayang may paglabag at may pag-amin mula sa establisyemento, maaaring magpataw ang ahensya ng kaukulang administrative fine bilang parusa.









