DAGUPAN CITY- Pansamantalang sinuspinde ng Bahrain, Kuwiat at UAE ang lahat ng airspace bilang hakbang pangkaligtasan matapos ang pag-atake ng Iran sa base militar ng Estados Unidos sa Qatar.
Ang nasabing anunsyo ay inilabas, kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos na nagdudulot ng pangamba sa seguridad ng rehiyon.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa iba’t ibang bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga potensyal na target ng alitan.
Samantala, inamin ng Iran na nagsagawa ito ng missile attack sa Al Udeid Air Base sa Qatar bilang tugon sa umano’y pambobomba ng Estados Unidos sa ilang nuclear facilities ng Iran nitong nagdaang linggo.
Ayon sa pahayag ng Iranian government, ang bilang ng mga missile na inilunsad ay katumbas umano ng dami ng bomba na ibinagsak ng Amerika.
Ipinakita raw nito ang kanilang hangaring iwasan ang mas malawak na kaguluhan o digmaan sa rehiyon.