Dagupan City – Balik normal na ang ilang bahagi ng Florida matapos ang pananalasa ng hurricane Milton.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jowena Roberts, Bombo International News Correspondent sa Florida, USA, balik normal na ang ilang mga trabahador, bukas na rin ang ilang mga establishimento at mga grocery stores.
Bagama’t makikita pa rin ang bakas na sinapit ng mga kabahayan partikular na sa bahagi ng Western part ng Florida, unti-unti na rin aniyang inaalis ang mga natumbang mga naglalakihang puno, at power lines sa lugar.
Sa loob naman aniya ng 7 taong paninirahan nito sa bansa, ito na ang pinakalamalakas na bagyong kaniyang naranasan kung ikukumpara sa mga nagdaang bagyo.
Sa kabila nito, nakaantabay naman aniya ang pamahalaan sa bansa sa pagbibigay ng flood insurance, house insurance at iba pang benepisyo bilang tugon sa epekto ng naranasang bagyo.
Samantala, nakatakdang bisitahin naman ni US President Joe Biden ang Florida na sinalanta ng Hurricane Milton sa darating na lunes.