Dagupan City – Maaaring ilipat sa mas mababang kategorya ang ilang lugar sa Ilocos Region na nasa ilalim ng red zone bunsod ng African Swine Fever o ASF, matapos ang apat na buwang walang naitalang bagong kaso.
Ayon sa protocol, kailangang dumaan muna sa masusing testing ang mga baboy sa mga apektadong lugar. Kung negatibo sa ASF ang resulta, dapat isumite ng lokal na pamahalaan ang kumpletong dokumentasyon mula barangay hanggang regional level. Kapag kumpleto na, ipapasa ito sa Bureau of Animal Industry para sa pinal na pag-apruba ng pagbabago ng zoning status.
Sa ngayon, nasa red zone pa rin ang 18 lugar sa Ilocos Sur, walo sa La Union, pito sa Ilocos Norte, at dalawa sa Pangasinan.
Umabot na sa higit ₱3.8 milyon ang naipamahaging tulong pinansyal ng Department of Agriculture sa mga magbababoy sa La Union. Target na susunod namang makakatanggap ng ayuda ang mga nasa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Pangasinan.
Patuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng biosecurity measures kahit sa mga lugar na nasa yellow zone na. Sa katunayan, may mga lugar na rin na muling nakakapagbenta ng produktong baboy.
Pinapayuhan naman ang mga hog raiser na agad ibenta ang mga baboy na nasa tamang laki, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan na mas mataas ang banta ng ASF.