Muling magtutungo ang Makabayan bloc sa Kamara para pormal na isumite ang ikalawang impeachment complaint laban kay Pres. Bongbong Marcos ngayong Lunes, Enero 26.

Ito ay matapos umanong hindi tanggapin ng Office of the House Secretary General ang unang pagtatangkang pagsusumite ng reklamo noong Huwebes, Enero 22.

Ayon sa mga kongresista, hindi natanggap ang dokumento dahil wala umano sa bansa noon si House Secretary General Cheloy Garafil, na nasa biyahe patungong Taiwan.

--Ads--

Giit ng Makabayan bloc, sisikapin nilang matiyak na wala nang magiging hadlang sa pagtanggap ng impeachment complaint ngayong araw, lalo’t nakabalik na sa bansa ang House Secretary General.

Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Office of the House Secretary General hinggil sa muling paghahain ng reklamo.

Samantala, inaasahang babantayan ng publiko at ng iba’t ibang sektor ang susunod na hakbang ng Kamara kaugnay ng ikalawang impeachment complaint laban sa Pangulo.