Dagupan City – Umaasa ang isang constitutional lawyer na ngayong ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas mabigyang ng mas konkretong tugon at linaw sa ilang pangunahing isyu na patuloy na kinakaharap ng bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional lawyer, inaasahan niyang tututukan ng pangulo ang mga proyektong may kinalaman sa flood control sa buong bansa.
Sa kabila ng mga pangako sa mga nagdaang SONA, wala pa ring malinaw na plano kung paano sistematikong tutuldukan ang taunang pagbaha na sumisira sa kabuhayan ng libu-libong Pilipino.
Dagdag pa rito ang posisyon ni Marcos sa umiinit na usapin tulad ng impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Kung saan ay inaasahang lilinawin ng Pangulo kung may intensiyon ba ang Malacañang na buksan muli ang anumang imbestigasyon laban sa Bise Presidente, o kung mananatiling tahimik sa isyung ito.
Pangatlo naman ay ang sensitibong usapin sa pamimili ng benepisyaryo sa mga programa ng gobyerno gaya ng AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation), TUPAD, at iba pang ayuda.
Marami na kasi aniya umanong miyembro ng mga komunidad ang naghihintay na lamang ng ayuda.
Matatandaan naman na sa tatlong nagdaang SONA ng pangulo, kapansin-pansing hindi nito binanggit ang Maharlika Investment Fund, isang proyektong tinutulan ng maraming sektor dahil sa kakulangan ng transparency.
Umaasa aniya siya na malinawan kung saan napunta ang pondo at ano na ang naging epekto nito sa inaasahang mga proyektong pang-imprastruktura.