Arestado ang isang high-value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police Drug Enforcement Group sa bayan ng Sta. Barbara.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Rowell C. Isit, team leader ng Team 2 ng PDEG Pangasinan, na matagumpay na naaresto ang suspek na kinilalang si alias “Daryl,” 29-anyos, may asawa at residente ng Urdaneta City.
Ayon kay Isit, bandang alas-5 ng umaga nang isagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Pangasinan at ng Santa Barbara Municipal Police Station.
Sa naturang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na aabot sa ₱170,000.
Narekober din ang ilang drug paraphernalia at isang motorsiklo na umano’y ginagamit ng suspek sa kanyang ilegal na gawain.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dati na ring naaresto ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nasa ilalim ng probation.
Ipinaliwanag ni Isit na ang mga indibidwal na nasa probation ay binibigyan ng pagkakataon ng korte na sumailalim sa rehabilitasyon at mahigpit na pagsubaybay, ngunit maaari pa rin silang arestuhin kung lalabag sa mga kondisyon ng kanilang probation.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na posibleng dahil sa kahirapan at sa tinatawag na “easy money” mula sa bentahan ng ilegal na droga kaya muling nasangkot ang suspek sa ilegal na aktibidad.
Sa isinagawang custodial debriefing at tactical interrogation, napag-alaman na ang pinanggagalingan umano ng ilegal na droga ng suspek ay mula sa mga contact sa Dagupan City at Urdaneta City.










