DAGUPAN CITY — Aabot sa labing-limang kabahayan ang tinupok ng apoy sa Sitio Pantalan, Barangay Pantal sa lungsod ng Dagupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay CInsp. Michael John Escaño, City Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection Dagupan, sinabi nito na base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, 13 dito ang naabo ng apoy habang 2 naman ang bahagyang nasunog.
Aniya na nagsimula ang sunog sa bahay ni Luciano Miras Miral dakong alas-11 ng umaga. Kaagad naman aniya silang nakaresponde matapos silang makatanggap ng tawag mula sa isang residente.
Dagdag pa ng naturang opisyal na patuloy pa rin ang isinasagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa naging sanhi ng sunog.
Ito naman aniya ang unang kaso ng sunog ngayong Fire Prevention Month sa lungsod ng Dagupan na naitala ngayong araw.
Paalala naman ng mga awtoridad sa publiko na kapag lalabas ng bahay ay siguraduhing nakatanggal sa saksakan lahat ng appliances upang maiwasan ang pagkasunog.
Sa kaugnay naman na panayam kay Carmina Larosa, isa sa mga residenteng nasunugan, sinabi nito na tila sa isang iglap naabo lahat dahil sa mabilis umanong nilamon ng apoy ang mga kabahayan. Hindi pa anila sila nakakabangon sa nagdaang sunog na naitala noong Hunyo a-30 noong taong 2021, ngunit tila naulit muli ang bangungot na kanilang naranasan.
Nananawagan naman sila sa mga kinauukulan na sana’y matulungan silang makabangon muli sa dagok na kanilang kinakaharap ngayon.
Kaugnay nito, inihayag naman ng alkalde ng lungsod ng Dagupan na si Mayor Belen T. Fernandez na kasalukuyan pa ring inaalam ang kabuuang datos ng naturang insidente upang mapamahagian ang mga pamilyang naapektuhan ng kaukulang tulong mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod.
Maliban dito ay pinaalalahanan ng alkalde ang publiko na mayroong mga hotline numbers ang LGU Dagupan sa lahat ng kinauukulang opisina ng lungsod upang agarang matawagan at makahingi ng tulong at upang kagyat din na makaresponde ang mga awtoridad kung saka-sakaling mayroong mga hinaing na kailangan masolusyunan at tugunan.
Tiniyak naman ni Fernandez sa mga pamilyang nasunugan na gagawa aniya ang kanilang hanay ng paraan upang matulungang makabangon ang mga residenteng nasunugan sa dagok na kanilang naranasan.