Inaprubahan ng House Committee on Tourism ang mga panukalang batas na naglalayong tuluyang alisin ang travel tax na ipinapataw sa mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng bansa.

Pinangunahan ni Romblon Rep. Eleandro Madrona ang pag-apruba sa anim na panukala, kabilang ang House Bill No. 7443 na inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Gayunman, nilinaw ng komite na kailangan munang maglatag ng malinaw at pangmatagalang kapalit na pondo para sa mga ahensyang umaasa sa travel tax collections.

--Ads--

Sa kasalukuyan, ang mga nakikinabang sa travel tax ay ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Commission on Higher Education at National Commission for Culture and the Arts.

Ayon sa mga opisyal, malaking bahagi ng kanilang pondo ang nagmumula sa travel tax kaya kailangan ng maayos na kapalit na mekanismo bago ito tuluyang alisin.

Sa ilalim ng panukala, aalisin ang kasalukuyang singil na nasa P2,700 para sa first-class passengers at P1,620 para sa economy travelers.

Ang nasabing panukala ay nakatakdang isumite sa House Committees on Ways and Means at Appropriations para sa karagdagang pagtalakay.