Tututukan ng Kongreso ang paulit-ulit na brownout sa Visayas matapos magsagawa ng joint hearing sa Bacolod City ang tatlong House committees upang hanapan ito ng agarang lunas at pangmatagalang solusyon.
Sinuri ng Committees on Energy, Visayas Development at Legislative Franchises ang mga problema sa power generation at transmission, madalas na supply disruptions at epekto nito sa mga pamilya at negosyo.
Ayon kay Energy Committee Chairperson at Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez, layunin ng pagdinig na tukuyin ang mga problema at malaman kung kailangan ng bagong batas o agarang aksyon mula sa Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC), power generators at transmission operators.
Sinabi naman ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez na hindi layunin ng pagdinig ang pagtuturuan kundi ang paghahanap ng solusyon sa problema sa kuryente ng Visayas.
Binigyang-diin ni Visayas Development Committee Chairperson at Leyte 2nd District Rep. Lolita Javier na hindi lamang supply at technical issues ang dapat tingnan dahil direktang naaapektuhan ng brownout ang mga pamilya, negosyo, paaralan, ospital at komunidad.
Giit naman ni Deputy Speaker at Bacolod City Rep. Albee Benitez, kailangan ng matatag na suplay ng kuryente upang mapanatili ang trabaho, investments at pag-unlad ng rehiyon.
Samantala, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na kabilang sa agarang hakbang ang paggamit ng battery energy storage at pagdadala ng power barges upang madagdagan ang suplay sa Visayas.
Ayon kay Garin, ang pinakamalapit na pangmatagalang solusyon para sa buong Visayas ay inaasahang darating sa 2028.










