DAGUPAN CITY- Bahagi sa sakripisyo ng mga Overseas Filipino Workers ang tiisin ang hirap sa ibang bansa, kahit pa man ang gyera.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Arman Hernando, Vice Chairperson ng Migrante international, pinipili pa rin ng mga OFW na manatili sa Lebanon dahil sa mas tiyak ang sahod doon kumpara sa Pilipinas.
Nakakatanggap na lamang sila ng mga tulong na ayuda mula gobyerno subalit, hindi naman ito sumasapat para masustentuhan ang kanilang pamilya.
Hindi naman nila pipiliin na mangibang bansa at mawalay sa pamilya kung may sapat na trabaho sa ating bansa.
Aniya, nakakalungkot lamang din na patuloy na nagkakaroon ng deployment sa mga bansang may umiiral na panganib para sa kalagayan ng mga Pilipino.
Gayunpaman, hindi naman ginagarantiya ng gobyerno ang kaligtasan ng mga OFW. Maliban diyan, pinapahirapan ng patakaran sa ibang bansa, partikular sa Middle East, dahil sa mahigpit na sistema para makalabas sa kanilang bansa.
Sinabi naman ni Hernando na patuloy nilang idinidiin sa imigrasyon ang paglikha ng trabaho sa ating bansa upang mabawasan ang mga napipilitang magtrabaho sa mga delekadong bansa.
Ipinapanawagan ni Hernando sa administrasyong Marcos Jr. na tiyakin nila na makakakuha ng katumbas na sahod ang mga uuwing OFW.
Giit niya, demand naman ang skills ng mga Pilipino sa ibang bansa kaya dapat gamitin ito para sa paggawa ng mga trabaho at magpaunlad sa industriya.
Samantala, tagumpay para sa mga OFW na hindi gawing mandatory ang paghulog sa SSS at Pag-ibig contriibutions.
Bagama’t matagal nang hinihintay ng kanilang samahan ang petisyon sa korte suprema kaugnay sa usapin, matagal na nila itong ipinaglalaban.
Kaniyang nilinaw na hindi sila tutol sa mga social protection at kontribusyon subalit kapos naman ang kinikita ng mga OFW at babawasan lamang nito ang kanilang sahod.