Hindi sapat ang panandalian lamang na solusyon sa nararanasang krisis sa enerhiya – ito ang naging pahayag ng National President ng Grupong PISTON na si Mody Floranda sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa dagdag-pasahe na una nang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi pa ni Floranda na bagamat napakalaking tulong sa kanila ang dagdag pisong pasahe sa mga pampublikong sasakyan lalo na sa panahong sumasabay ang taas-babang presyo ng produktong petrolyo, binigyang-diin naman nito na nanatili pa rin ang kanilang katayuan kaugnay ng usapin na dapat ay nakikinabang pa rin ang lipunan kaya oras na umano upang magkaroon ng kamay ang gobyerno sa Oil Deregulation Law.
Dagdag pa ni Floranda na hangga’t walang kapangyarihan ang gobyerno sa pagtugon sa krisis ng enerhiya ay nananatili namang walang saysay ang inaprubahang dagdag pasahe dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, partikular na nga ang nakaambang pagtaas sa presyo ng kada kilo ng bigas.
Binigyang-diin din ni Floranda na mas tumatanaw ang kanilang hanay sa pangmatagalang solusyon at hindi sa panandalian lamang na solusyon sa suliraning kinahaharap ng bansa.
Kaugnay nito ay patuloy naman ang kanilang panawagan sa kasalukuyang administrasyon na suspindihin na ang umiiral na tax sa produktong petrolyo.